MAKARAAN ang dalawang linggo, wala pa rin desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa extradition request ng Estados Unidos sa ulo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy. Sa press briefing sa Malacañang, tinanong si Palace Press Officer Atty. Claire Castro hinggil sa hirit ng Estados Unidos. Tugon ni Castro, masusi pa umanong inaaral at ina-assess ng Department of Justice (DOJ) ang mga dokumento bago pa man magsumite ng rekomendasyon sa Pangulo. Ayon kay Castro, mas mainam kung hintayin na lang kung kailan matatapos ang pag-aaral lalo pa’t hindi rin aniya madali para sa DOJ ang pagsusuri sa bulto-bultong dokumento. Mayroon din aniyang ilang mga ikinokonsiderang mga puntos sa extradition request ng Estados Unidos. Una nang inihayag ni Castro na sa loob ng dalawang linggo ay magkakaroon ng anunsyo tungkol sa hirit na extradition sa ulo ni Quiboloy na nahaharap sa kasong sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, conspiracy, marriage fraud, bulk cash smuggling at visa fraud sa Estados Unidos. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation 107 gov’t officials isinailalim ng Ombudsman sa lifestyle check Anti-Bullying Bill, aprubado na sa Kamara