ILANG araw bagong pormal na bumaba sa pwesto, nanawagan si Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin kay Pangulong Ferdinand Marcos na maging maingat at mapanuri sa pagtatalaga ng papalit sa kanyang pwesto.
Babala pa Azurin, may isang organisadong grupong hangad di umano sirain ang integridad ng PNP, kasabay ng pag-amin na siya mismo ay biktima ng naturang grupo.
“I have to warn even the president. Sir, be careful in selecting yung papalit sa ‘kin. Definitely, hindi ordinaryo yung nabangga ko rito. Napakaliit ko lamang na kayang-kaya nila ako,” litanya ng paretirong heneral.
“How long can we stand the heat? That’s the problem. That’s why I’m worried sa ating pangulo, kung sino ang pipiliin niya na papalit sakin,” dagdag pa niya.
Dinepensahan niya rin ang kanyang kabaro sa pagkakasangkot sa P6.7 bilyon drug overhaul kung saan dawit ang dalawang mataas na heneral sa kontrobersyal na operasyon kontra droga sa Maynila noong buwan ng Oktubre ng nakalipas na taon.
Para kay Azurin, hindi hamak na mas maayos ang PNP sa kanyang maikling panunungkulan bilang hepe ng pambansang kapulisan.