
SA halip na makaahon sa kahirapan sa Pilipinas, dusa ang inabot ng nasa 10,000 overseas Filipino workers na nasa Saudi Arabia.
Pag-amin ng Department of Migrant Workers, umabot na sa 7,500 emails ang natanggap ng naturang kagawaran kaugnay ng panunuba ng mga Arabong employers sa mga Pilipino matapos magsara ang pinasukan kumpanya noong mga taong 2015 at 2016.
Panawagan ni Migrant Workers Sec. Susan Ople sa humigit kumulang 10,000 OFWs na nasuba ng mga employers, pormal na magssumite ng claim request sa kanyang departamento – o magpadala ng email sa saudiclaims@dmw.gov.ph bago sumapit ang Mayo 1.
Aniya, target ng DMW na ipasa sa Saudi Arabia ang claim request ng mga hindi pinasahod na OFWs sa paniwalang tutugon ang pamahalaan ng naturang bansa. Para makasiguro, nakatakdang lumipad patungo sa Saudi Arabia ang naturang Kalihim sa Mayo 24.
”Hopefully, ang panawagan namin is by May 1, may kumpleto na kaming listahan with the cooperation with the claimants.“Sa ngayon, nasa 7,500 plus na ‘yung emails namin. So, konti na lang mabubuo na namin yung 10,000 plus na bilang na mga claimants.”