MATAPOS sumalo ng kabi-kabilang batikos hinggil sa legalidad, tuluyan nang kinansela ng Department of Agriculture ang plano ng National Food Authority (NFA) na umangkat ng 330,000 metric tons ng bigas sa hangaring takpan ang napipintong kakulangan sa buffer stock ng bansa.
Paliwanag ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla, mahigpit ang tagubilin sa ilalim ng Rice Tariffication Law – tanging sa lokal na magsasaka lang pwedeng humugot ang NFA ng kakulangan sa buffer stock ng gobyerno.
Maging ang mungkahing government-to-government importation, tinabla rin ng DA. Katwiran ni Sombilla – “unless it’s an extreme emergency.”
“Importation via government-to-government schemes is not allowed. Ang\d even if there’s an emergency, only the President has the power to do that. But under normal conditions, the NFA is prohibited because of the Rice Tariffication Law,” aniya.
Bagamat malinaw na tanging sa mga lokal na magsasaka lang pwedeng bumili ng karagdagang supply ng bigas ang NFA, hindi naman magawa ng naturang ahensyang walang makuha sa presyong itinakda sa ilalim ng RTL – P19 kada kilo.
Batay sa datos ng mga grupo ng magsasaka, naglalaro sa P21 hanggang P23 kada kilo ang umiiral na ‘farmgate price.’
“Anything less than that would mean the farmers will be the ones absorbing the losses,” saad ng isang lider magsasaka.
Gayunpaman, may nakikitang solusyon ang gobyerno – ang pagpasok sa kasunduan sa mga kooperatiba ng mga magsasaka.