PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag dalhin ang mga bata, lalo na ang mga sanggol, sa sementeryo sa paggunita ng All Saint’s Day sa Nobyembre 1.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na ito ay upang maiwasang magkasakit ng mga ito dulot ng init at dami ng tao.
“I am advising parents and caregivers not to bring small children to cemeteries as overcrowding and intense heat and sudden unexpected downpour may cause diseases to small children,” babala ni Herbosa.
Sinabi nito na kahit pa bumababa ang kaso ng Covid-19 sa bansa, naririyan pa rin ang banta ng sakit.
Mayroon pa rin umanong manaka-nakang pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng Covid-19 at ang mga maliliit na bata ay may mahinang resistensiya sa impeksiyon.
Binalaan din ni Herbosa ang publiko na iwasang bumili ng pagkain sa mga tindero sa gilid ng kalsada, sa labas ng sementeryo upang makaiwas sa sakit.
Mataas din umano ang posibilidad na hindi ligtas inumin ang tubig at iba pang pagkain na itinitinda ng mga vendor.
Mag mabuti na rin na magbaon ng sariling tubig at pagkain upang matiyak pang ligtas ito.
“We can all prevent contracting diseases when visiting our dearly departed loved ones. Let us be responsible with our actions and make our visit solemn,” ayon pa kay Herbosa.
