NAGPALABAS ng babala ang Civil Service Commission (CSC) sa publiko laban sa mga nagpapakilalang kawani ng ahensya o CSC official na nanghihingi ng pabor, gayundin ang mga sensitibong impormasyon o dokumento.
Paalala ni CSC Chairperson Karlo Nograles sa publiko, maging alerto sa mga mensahe, email, o tawag sa telepono mula sa nagsasabing sila’y tauhan ng CSC.
“May mga natanggap kaming reports na may nagpapanggap na mga kawani ng CSC upang makahingi ng impormasyon, pera, o pabor mula sa mga ahensya ng pamahalaan at maging sa publiko. We are reminding the public to be vigilant by directly verifying the authenticity of the transaction from the CSC Regional or Field Office concerned,” saad sa pahayag ni Chairperson Nograles.
Una nang nag-abiso ang CSC sa publiko na wala sinumang personalidad o grupo ang may pahintulot para gamitin ang pangalan at logo ng ahensya, kasama na ang lumang CSC emblems, para sa anumang aktibidad o online promotion, tulad ng solicitation, recruitment, production of materials, at enrollment sa review classes.
Sa kabila nito, patuloy na nakakatanggap ang CSC ng mga ulat hinggil sa maling gawain ng ilan, na ginagamit ang pangalan ng kanilang opisyal o mga empleyado para manloko ng iba, maging ang mga mismong kawani ng ibang tanggapan ng pamahalaan.
“We would also like to warn individuals that usurpation of authority or falsely representing to be an officer, agent or representative of any department or agency of the Philippine Government is a violation under Article 177 of the Revised Penal Code. The CSC is ready to take action against violators found guilty of this crime as their action undermines the integrity of the agency,” mahigpit na babala naman ni Nograles.
Ang directory ng CSC officials at contact details ng lahat ng opisina nito ay maaaring i-access sa CSC website na www.csc.gov.ph. Ang CSC ay mayroon lamang isang official account sa Facebook, Instagram, YouTube, at TikTok, at bawat CSC Regional Office ay mayroon ding kani-kanilang Facebook Page.
Hinimok naman ng ahensiya ang publiko na agad na i-report sa CSC’s Contact Center ng Bayan, sa numerong 0908-881-6565, kung maka-encounter ng mga indibidwal o grupo na nagpapakilala bilang kanilang representative o kinatawan.
