Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NASA kabuuang 62 kongresista ang personal na nagpakita ng solidong suporta sa mga adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gayundin sa iba’t-ibang inisyatiba ni Speaker Martin Romualdez sa pagdalo ng mga ito sa inilunsad na dalawang araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Benguet province.
Hindi naman naitago ni Speaker Romualdez ang kanyang kagalakan at pagpapasalamat sa pagsama ng mga mambabatas para maging kabahagi ng nasabing programa.
“We are in awe of the sheer solidarity of our members in the House of Representatives to President Marcos Jr.’s program of prompt services to Filipinos. Nakabakasyon po ang ating Kongreso, pero nakikita natin ang unity sa ating mga kongresista sa pagdalo sa ating BPSF dito sa Benguet,” wika ng lider ng Kamara.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga miyembro ng Kongreso na dumalo sa ating BPSF sa Benguet at personal nilang nasasaksihan ang direktang tulong ng pamahalaan sa ating mga kababayan. I hope this inspires them to do more for their respective constituents in future service caravans in their respective areas,” dagdag niya.
Nanguna sa pagpunta sa BPSF Benguet-leg sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzalez, Jr., Deputy Speaker David ” Jayjay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Nagsilbi namang local host ng service caravan si Benguet Rep. Eric Go Yap kung saan aabot sa P261 million ang naipamahaging cash aid at P151 million naman bilang in-kind assistance sa nasa 8,000 mamamayan ng lalawigan.
Ang naturang tulong ay kinabibilangan ng P110 million para sa social services, P10 million naman sa health services, P50 million para sa agricultural services, P180 million bilang livelihood services, P35 million sa educational assistance, P25 million para sa iba pang government services, at P1 million sa regulatory services.
Umaabot din sa 160,000 kilo ng bigas ang naipamahagi mula kay Speaker Romualdez, kaya naman nabansagan na rin siya bilang “Mr. Rice” dahil sa kanyang pamamahagi ng bigas sa mga pamilyang Pilipino lubos na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.
Ayon kay Speaker Romualdez, target ng administrasyon at ng Kamara na maabot ang lahat ng 82 lalawigan sa mga susunod na buwan para sa pagsasagawa ng BPSF.
“Kaya sa ating mga kababayan na hindi pa nabibisita ng BPSF, huwag po kayong mag-alala at darating po sa inyong lalawigan ang serbisyo caravan para maghatid ng tulong-pinansyal at programa ng pamahalaan para sa inyo,” diin pa ng House Speaker.
