
ASAHAN ang patuloy na mabigat na pagbuhos na ulan sa susunod na tatlong araw bunsod ng pinagsamang epekto ng mabagal na pagkilos ng bagyong Falcon at hanging habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, higit pang lumakas ang Severe Tropical Storm Falcon na namataan 1,1170 kilometro sa silangang bahagi ng Luzon habang kumikilos patungong norte.
Taglay ng bagyong Falcon ang lakas ng hangin na 110 kph at pagbugso na hanggang 135 kph.
Sa kabila ng mabigat na buhos ng ulan dala ng bagyo, wala pa rin idineklarang tropical cyclone wind signals sa alinmang bahagi ng bansa.
Patuloy pa rin namang pinalalakas ni Falcon ang habagat na inaasahang magdudulot ng manaka-nakang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa susunod na tatlong araw.
Kabilang sa mga apektadong lugar ng habagat ang Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Occidental Mindoro, Palawan, Romblon, Northern Samar, malaking bahagi ng Calabarzon, Bicol region at Western Visayas.
Inaasahan naman ng PAGASA na tuluyang lilisanin ng bagyong Falcon ang Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng gabi ngayon araw ng Lunes hanggang Martes ng umaga.