PATULOY ang pamamayagpag ng mga sindikato sa likod ng human trafficking sa bansa, pag-amin ng Bureau of Immigration (BI), sabay tukoy sa Southern Mindanao bilang sentro ng ilegal na operasyon.
Panawagan ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa mga lokal na pamahalaan sa katimugang bahagi ng Mindanao – bantayan ang tinawag niyang ‘backdoor channels’ sa lokalidad na nasasakupan.
“Inirerekomenda namin sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang seguridad sa mga posibleng exit points para protektahan ang ating mga kababayan laban sa mga sindikato,” ani Tansingco, matapos makatanggap ng ulat kaugnay ng pagtatawid ng mga biktima ng human trafficking sa mga bansang Cambodia, Malaysia, Thailand at Myanmar sakay ng maliliit sa bangka.
Nito lamang nakaraang buwan, apat katao ang nasabat sa Semporna, Malaysia habang naglalayag patungo sa Cambodia kung saan di umano sila magtatrabaho kapalit ng P65,000 buwanang sweldo.
Hulyo 14 naman nang ibalik sa Pilipinas ang pitong Pinoy na biktima rin ng human trafficking mula sa Bangkok, Thailand kung saan sila nagtrabaho bilang online scammer. Nang sumunod na araw, dalawa pang biktima ang ligtas na nakauwi mula sa Malaysia matapos pangakuan ng trabaho sa isang club sa Kota Kinabalu.