Ni LILY REYES
SIMBILIS ng kidlat ang naging tugon ng Office of the Ombudsman sa inilabas na direktibang nagpapataw ng anim na buwang preventive suspension laban kay Bamban Mayor Alice Guo bunsod ng kasong inihain ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa 19-pahinang resolusyon, iginiit ng Ombudsman na may sapat na batayan para bigyang-daan ang suspensyon sa kontrobersyal na alkalde kaugnay ng pagbibigay ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc. sa kabila pa ng kawalan ng lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Marapat lang din ayon sa Ombudsman na tiyakin hindi magagalaw ang mga dokumento sa munisipyo ng Bamban, bagay na posible lang kung suspendido ang alkalde.
“Given the respondents’ power and authority, there is a strong probability that they may influence witnesses or tamper with any evidence material to the case,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng Ombudsman.
Nahaharap si Guo sa kabi-kabilang imbestigasyon hinggil sa ilegal ng operasyon ng POGO sa bansa, pagiging espiya ng China, money laundering at kwestyunableng citizenship.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa sampahan ng kasong tax evasion si Guo sa pag-amin na sa kanya ang pitong kumpanyang binanggit sa pagdinig ng Senado.
“As far as we are concerned po, may mga nakita kaming violations niya… mga administrative, actually. Mga tax evasion charges kakasuhan po natin siya,” wika ni PAOCC spokesperson Winston Casio.
Bukod pa sa tax evasion, posible rin aniyang isabay na rin ang paghahain ng kasong paglabag sa securities regulations code ng bansa.
“Maaaring sampahan din po namin siya ng mga violation ng securities regulation code, maging yung mga opisyales nung Hong Sheng, at saka Zun Yuan, Baofu,” aniya pa.
Gayunpaman, hindi masabi ng naturang opisyal kung magkano ang kabuuang halaga ng buwis na nawala sa gobyerno – “Pero malaki po. Kita mo naman ang lifestyle ni mayora.”
