Ni ESTONG REYES
SA harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tuluyan nang winakasan ang bangayan sa pagitan ng Senado at Kamara de Representantes kaugnay ng kontrobersyal na people’s initiative para sa Charter Change (ChaCha).
Pag-amin ni Senate President Juan Miguel Zubiri, mismong Pangulo ang namagitan sa kanilang dalawa ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Bilin pa aniya ni Marcos sa kanilang dalawa, magtrabaho na lamang at itigil na ang bangayan sa usapin ng amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Kwento pa ni Zubiri, nangyari di umano ang kasunduan ng dalawang lider sa pagdiriwang na dinaluhan ng Pangulo para sa ika-100 taong kaarawan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa Palasyo.
“Sa harap [ni President Marcos] nagkita po kami, nagkamayan po kami… Good news. Nag-usap kami ni Speaker kanina, sabi po namin let’s work professionally. Tigil muna ang bangayan and let’s continue to work for the benefit of the administration para sa ating mga kababayan,” dugtong pa ng senador.
“Hindi na maganda kung palagi po kaming nagbabangayan at magkaaway. So, we committed to talk to each other, hopefully next week, for a secondary meeting kasi mabilis lang po ang pagkikita namin kanina, nagkamayan po kami,” aniya pa.
Nang tanungin kung titigil na rin ang word war sa pagitan ng mga miyembro ng Senado at Kamara, sinabi ni Zubiri na depende umano ito sa mga kongresista – “Of course it all depends on the members of the House kasi ‘di ba, daily po iyong kanilang press conference, kami naman wala naman kaming press con.”
