WALA sa plano ng isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mamuhay piitan kasama ang mga kapwa kawatan.
Ito marahil ang nagtulak kay dating regional director Gerard Opulencia ng DPWH – National Capital Region, na ibalik sa pamahalaan ang bahagi ng yaman na “katas” ng flood control scam.
Ayon kay acting Justice Secretary Frederick Vida, nasa P40-milyong cash na bahagi ng “kickback” mula sa maanomalyang flood control projects sa Metro Manila, ang ibinalik ni Opulencia.
Paliwanag ni Vida, ang pagsasauli ng pera ni Opulencia ay bahagi ng restitution process at probisyon sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Paglilinaw ng Kalihim, bahagi pa lamang ang isinauling halaga sa kabuuang P150 milyong nakatakdang ibalik ni Opulencia.
Ang nasabing halaga umano’y nakuha ni Opulencia mula sa iba’t ibang proyekto at inaasahang makatutulong sa pagpapatibay ng kaso ng DOJ.
Pag-amin ng DOJ chief, “provisionally admitted” sa WPP ng DOJ si Opulencia na kabilang sa mga respondent sa mga reklamong inihain sa DOJ kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Samantala, inaasahan naman ililipat sa pag-iingat ng National Treasury ang pera mula kay Opulencia. (JULIET PACOT)
