HINDI palulusutin ng Senado ang overpriced budget. Ito ang iginiit ni Senator Bam Aquino sa gitna ng deadlock sa pag-apruba ng 2026 national budget matapos hilingin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maibalik ang P45 bilyong tinapyas ng Senado sa pondo ng naturang departamento.
Ayon kay Aquino, kung may problema ang DPWH sa pagtutuos ng Senado, dapat itong magsagawa ng sarili nitong kalkulasyon at bumalik dala ang tamang budget gamit ang bagong Construction Materials Price Data (CMPD).
“Kung may issues kayo doon sa computation namin, mag-compute rin kayo. Gawin niyo ang trabaho ninyo, i-compute niyo ang tama at balikan niyo kami with the right budget,” wika ni Aquino sa isang panayam sa telebisyon.
“We want the DPWH to come back to the table and give the proper computation. Sabi niya may 10,000 projects iyan. Bilangin nila, sabihin nila sa amin magkano ba talaga ang gastos using the new CMPD,” dagdag niya.
Ayon kay Aquino, titiyakin ng hakbang na ito na sasang-ayon ang Senado sa isang budget na maayos na na-compute at maiiwasan maulit ang maanomalyang flood control projects.
“That’s why we’re in the middle of this flood control scandal dahil may mga proyektong na-overprice, may mga proyekto na naging ghost project, and we just want to be sure that we sign off on budgets that are properly computed,” ani Aquino.
Nilinaw rin niya na ang pagbuo ng bagong CMPD ay napagkasunduan matapos ang serye ng mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee at ng Senado kaugnay ng budget ng DPWH.
“The Senate computed that with the DPWH. Na-compute iyon. Nabawasan iyong budget. Everybody lauded that move na sa 2026 budget, nasa tamang presyo dapat ang mga proyekto natin,” ayon kay Aquino.
Upang mabasag ang deadlock, sinabi ni Aquino na dapat ipakita ng DPWH ang aktwal na presyo ng mga proyekto at kung masisiyahan ang bicameral conference committee, maaari nang maresolba ang isyu.
Pinawi rin ni Aquino ang pangamba ng ilang mambabatas na maaaring hindi matuloy ang ilang proyekto dahil sa kakulangan ng pondo. Aniya, may sapat puwang dahil sa overpricing.
“May espasyo naman yan kasi overpriced iyan. Kahit 10 percent ang tanggalin mo, kaya pa rin iyan,” wika niya, kasabay ng pagkontra sa pahayag ng DPWH na maaaring maging undervalued ang ilang proyekto.
“Spend a few days, i-compute ninyo. Balikan niyo kami, pakitaan niyo kami ng totoong computation. From there, we will decide whether we will sign off or not,” dagdag pa ni Aquino. (ESTONG REYES)
