TALIWAS sa inaasahang panibagong pagpapalawig ng “bakasyon” ng punong katiwala ni Vice Presidente Sara Duterte, isang direktiba ang inilabas ng House Committee on Good Government and Public Accountability — laya na ang Chief of Staff ng Office of the Vice President.
Sa release order ni nilagdaan ni committee chair Joel Chua, inutos ang pagpapalaya kay Undersecretary Zuleika Lopez na nagpapagaling sa Veterans Memorial Medical Center na dumanas ng “anxiety attack” bunsod ng tangkang paglilipat sa kanya mula sa Batasan Detention Facility patungo sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City noong Nobyembre 23.
Paglilinaw ng komite, tapos na ang 10 araw na kulong na ipinataw kay Zuleika makaraan i-cite in contempt bunsod ng umano’y “undue interference” sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng kwestyunableng paggastos sa P612-milyon confidential funds na inilaan ng Kongreso sa OVP at Department of Education (DepEd) na dating hinawakan ng bise presidente.
Nauna nang sinabi ni Lopez sa isang pagdinig sa kongreso na wala siyang kaalaman kung paano ginagamit ng OVP ang mga confidential funds nito, at sinabing ang kanyang tungkulin sa OVP ay pangasiwaan lamang ang pagpapatupad ng lahat ng socio-economic projects ng naturang tanggapan.
