MAKARAAN ibisto ng isang American defense expert ang pagdagsa ng mga sasakyang dagat ng China sa Pag-asa Island, buking naman sa Philippine Coast Guard ang pagpasok ng tatlong Chinese research vessels sa Cagayan at Surigao del Norte at Davao.
Sa isang pulong balitaan, kinondena ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela ang pagpasok ng mga foreign vessels sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ). Tinukoy rin ni Tarriela ang mga Chinese research vessels — ang Xiang Yang Hong 3, Jia Geng, at Xiang Yang Hong 10.
Aniya, unang namataan ang isa sa tatlong Chinese research vessels sa layong 257 milya hilagang silangan ng bayan ng Santa Ana sa lalawigan ng Cagayan noong Nobyembre 17.
Makalipas ang tatlong araw, magkahiwalay na tinahak naman umano ng dalawa pang barko ng China ang Davao Oriental at Siargao Island.
“Basically, dumaan lang siya talaga. It never loitered. Pumasok siya lumiko ulit,” wika ni Tarriela.
Dakong alas 7:40 kaninang umaga, naispatan ang Chinese research vessel sa layong 210 milya sa gawing silangan ng Siargao na sakop ng Surigao del Norte.
