ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi na ipagpipilitan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga modern jeeps na galing sa ibang bansa.
Katunayan, aprubado na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mas murang modern jeeps na gawang-Pinoy at hindi hamak na mas mura kumpara sa mga galing sa bansang China.
Gayunpaman, nilinaw ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz na tuloy ang PUV Modernization Program.
Batay sa disenyong isinumite ng Sarao at Francisco Motors, kahawig ng nakagisnang ‘hari ng kalsada’ ang itsura ng local modern jeeps na gagamitan ng euro-5 engine na di hamak na mas mababa ang polusyon kumpara sa pangkaraniwang makinang gamit ngayon ng mga pampasaherong jeep sa Metro Manila at maging sa mga lalawigan sa labas ng kabisera.
Mas mataas din aniya ang kisame ng inaprubahan disenyo ng local version ng modern jeep na nasa gawing tagiliran (malapit sa drayber) ang estribo papasok habang sa likuran ang babaan.
Bahagi rin ng mga makabagong modern jeeps na gagawin ng Sarao at Francisco Motors ang security camera at rampa para sa mga pasaherong may kapansanan.
Taong 2019 pa nang isumite ng mga lokal na jeepney manufaccturers ang disenyo sa DOTr.
Ayon sa mga lokal na kumpanyang nagpahiwatig ng interes na maging bahagi ng PUV Modernization Program ng gobyerno, maglalaro lang sa P1.3 hanggang P1.5 milyon ang hlaga kada unit ng locally-manufactured modern jeeps – malayo sa P2 milyong presyo ng mga modern jeeps na gawa sa China.