SA gitna ng napipintong paglabas ng mandamiento de arresto mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga, nanindigan ang liderato ng Senado na bibigyan ng naangkop na proteksyon si Sen. Ronald Bato dela Rosa na kabilang sa mga sinampahan ng kaso.
Gayunpaman, nilinaw ni Senate President Juan Miguel Zubiri, saklaw lang ng proteksyon ay kay Dela Rosa ang warrant of arrest ng inaasahang ilalabas ng ICC para sa mga kasong may kaugnayan sa drug war ng nakalipas na administrasyon.
Hindi aniya kasama ang warrant of arrest na ilalabas ng lokal na husgado – kung meron man.
“If there’s no local warrant for his arrest, then he should be accorded the respect of a senator of the Republic and be protected as such,” pahayag ng lider ng Senado sa isang pulong balitaan makaraang ibasura ng ICC ang apela ng administrasyon Marcos na humiling na ibasura ang ICC investigation laban kina dating Pangulo Rodrigo Duterte, dela Rosa (na dating nagsilbing hepe ng pambansang pulisya) at iba pang idinawit na personalidad.
Binanggit ni Zubiri ang kaso ni dating Senator Antonio Trillanes IV na nagtago sa Senado noong 2018 dulot ng nakabinbin arrest warrant matapos bawiin ni dating Pangulong Duterte ang amnestiyang iginawad sa dating senador.
Sa panahon ni Duterte, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mahigit 6,200 katao ang napaslang sa anti-drug operations – malayo sa 30,000 biktimang sibilyan batay sa datos ng iba’t ibang human rights group.
Sa kaso ni Dela Rosa, nanindigan si Zubiri na dapat ipaubaya ng ICC ang isyu sa awtoridad ng Pilipinas.
“The problem is, we have a local justice system. We have a Department of Justice, we have a Secretary of Justice, we have our own penal codes, we have our own laws,” aniya.
“The usual route niyan is the ICC will apply with the local country, kasi dapat yung magte-take custody dito sa case na ito is the local courts, ‘di ba?” dagdag ni Zubiri.
Samantala, nagkibit-balikat lang si dela Rosa sa desisyon ng ICC.
“Wala naman tayong magagawa kung ituloy nila, di naman natin sila kontrolado. So hayaan mo lang sila kung ano ang gusto nilang gawin, ang importante nandito lang tayo,” aniya.
Umaasa si Dela Rosa na maninindigan rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., laban sa nakaambang paglabas ng arrest warrant ng ICC laban sa kanya.
Hindi rin umano siya naghahanda ng anumang hakbanging legal.
“Saka na siya mag-prepare pag nahuli ako…Just in case babiyahe ako sa ibang bansa at arestuhin ako doon,” aniya.
Kasabay nito, ikinatuwa naman ni Senador Risa Hontiveros ang pagbasura ng ICC sa apela ng administrasyon na itigil ang drug war probe.
“This is an important first step in achieving justice for the victims, the widows, and the orphans of the War on Drugs. My hope is that the President and the agencies of the Executive will cooperate with the investigation of the ICC so that true justice is obtained,” ayon kay Hontiveros.
“The people are watching to see if he will put the country or his political alliance first. Sana ang Bagong Pilipinas nila ay Pilipinas na makatarungan sa lahat,” giit pa ng senador.
