
SA kabila ng pagtutol ng iba’t-ibang transport groups, hinirang pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang dating opisyal na sinibak sa serbisyo sa mismong ahensya kung saan naganap ang bulilyaso.
Sa kalatas ng Presidential Communications Office (PCO), itinalaga ni Marcos si Atty. Vigor Mendoza II bilang bagong hepe ng Land Transportation Office (LTO).
Pinalitan ni Mendoza si Atty. Hector Villacorta na nagsilbing officer-in-charge ng LTO matapos magbitiw kamakailan si Jose Arturo “Jay Art” Tugade.
Bago pa man lumabas ang anunsyo, nanungkulan si Mendoza bilang officer-in-charge ng LTO-National Capital Region sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Joseph Estrada. Sa panunungkulan bilang officer-in-charge ng naturang tanggapan, inirekomenda ng Presidential Commission Against Graft and Corruption ang pagsibak kay Mendoza matapos aprubahan ang Certificate of Public Convenience para sa mga ruta sa NCR sa kabila pa ng umiiral na moratorium.
Base sa Administrative Order 97 na inisyu ng Pangulo, nilabag di umano ni Mendoza ang Section 3(a), ng Republic Act 3019 at RA 6713 bunsod ng direktiba sa Technical and Legal Divisions ng LTFRB, na tanggapin lahat ng PUB applications para sa CPC – taliwas sa kapasyahan ng LTO Board.
Paliwanag ni Mendoza, walang mali sa kanyang ginawa lalo pa’t kalakaran naman aniya sa LTFRB ang paglalabas ng memorandum bilang OIC. Naging bukas rin di umano sa publiko ang lahat ng aplikasyon, bukod pa sa hindi nalagay sa dehado ang gobyerno.
Higit na kilala ang LTO bilang kanlungan ng katiwalian ang kapalpakan. Patunay nito ang kabi-kabilang kontrobersiyang kinasangkutan ng ahensya – mula sa milyong backlog ng plaka sa mga sasakyan, hanggang sa paggamit ng paper print out bilang lisensya sa halip na tamper-proof plastic cards.
Magugunitang bumaba sa pwesto si Tugade bunsod ng hidwaan sa Kalihim na may saklaw sa noo’y pinamumunuan LTO.
Minsan narin nagsilbing miyembro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Mendoza. Naging kinatawan rin sa Kamara ng isang partylist group ang bagong LTO chief.