
SA pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni former President Rodrigo Duterte, nagpaabot ng pagbati at personal na mensahe si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa — magpakatatag at patuloy na lumaban sa gitna ng mabigat na kinakaharap na hamon bunod ng kaso sa International Criminal Court ((ICC).
“Ang masasabi ko lang sa kanya ay itong lahat ng mga pagsubok na ito ngayon ay malalampasan natin ito. Malalampasan ito. Walang permanente sa mundong ibabaw. Everything is temporary. So magpakatatag lang tayo, laban lang, at huwag mag-surrender,” bungad ni Dela Rosa.
“Huwag siyang sumuko sa laban. Laban lang because… majority of the Filipino people, even those who are outside of the Philippines, other parts of the universe ay nandoon at nakikiramay sa kanya at gustong-gustong maibalik siya dito sa Pilipinas,” dugtong ng reelectionist Senator, na nagsilbi rin bilang chief ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Duterte administration.
Paalala pa ni Dela Rosa kay Duterte, huwag mawalan ng pag-asa kahit pa magdiriwang ng kaarawan sa loob ng piitan ng ICC sa The Hague, Netherlands, lalo’t maging ang mga Pinoy na nasa nasa iba’t-ibang bahagi ng Europa ay nagpahayag na ng suporta at pagmamahal sa paraan ng pagtitipon sa labas ng ICC detention facility compound.
Tiniyak naman ng Mindanaoan lawmaker na sisikapin niyang personal na maipaabot kay Duterte ang kanyang pagbati at suporta sa itinuturing niyang longtime ally.