
ABOGADO kontra abogado. Ganito ang tagpo sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations kung saan iginisa ni Senador Alan Peter Cayetano si Justice Secretary Crispin Remulla.
Partikular na pinuntirya ni Cayetano si Remulla sa aspeto ng tinaguriang “reasonable time” na umano’y karapatan ni former President Rodrigo Duterte dumulog sa local court kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Para kay Cayetano, marapat na pag-aralan muli ni Remulla kung gaano kahaba ang “reasonable time” na dapat ibinibigay sa isang Pilipino para kwestyunin sa korte ng Pilipinas ang anumang warrant of arrest na galing sa banyagang husgado.
Sa pagdinig ng komite, tinalakay ang legalidad ng pag-aresto kay Duterte. Isa sa mga pinag-usapan ay ang oras na binigay kay Duterte para makapag handa ng maayos na depensa bago tuluyang inilipad patungong The Hague.
Binanggit ni Cayetano ang Section 14 ng 1987 Philippine Constitution na nagsasaad ng “due process” para sa sinumang akusadong Pilipino, kabilang ang “right to be heard” o ipagtanggol ang sarili sa lokal na hukuman.
Punto niya, kasama sa due process ang mabigyan ng sapat na oras ang akusado upang makahanap ng mahusay na abogado at makapaghanda nang maayos na petisyon.
“Yung due process doon is precisely that the best defense is made available to you,” pahayag ni Cayetano, “The quality of the petition you file is also part of due process. Meaning, having enough time with your lawyer, being able to choose kung sino ang lawyer,” dagdag niya.
Giit ng senador, ang 10 oras na lumipas bago tuluyang dinala ang dating Pangulo sa The Hague ay hindi sapat para makabuo man lang ng matibay na petisyon na ihahain sa Korte Suprema.
“Ako lang, two days na ako nag-aaral sa hearing na ‘to, ang hirap na. I don’t think I’ll be able to put together a really good petition to give to the Supreme Court in two days,” aniya.
Sumang-ayon naman si Atty. Alexis Medina, isang law professor at resource person sa hearing, sa punto ni Cayetano.
“It’s arguable that the opportunity to get quality legal service and the opportunity to submit a quality legal work should also be part of the guarantee of reasonable opportunity for due process,” pahayag ni Medina.
“Six working hours to seek relief from the courts may not be characterized as a reasonable opportunity to be heard. That’s my personal opinion,” dagdag niya.
Hinimok ni Cayetano si Remulla na pag-aralan ang nasabing isyu upang matiyak na may sapat na proteksyon ang sinumang Pilipino sa hinaharap, lalo’t may nakaamba ang paglabas ng panibagong ICC warrant of arrest sa iba pang personalidad na idinadawit sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. (ESTONG REYES)