NAKATAKDANG maglabas ang International Criminal Court (ICC) ng isang freeze order sa lahat ng ari-arian ni former President Rodrigo Duterte, ayon sa tagapagsalita ng pandaigdigang husgado.
Ayon kay ICC spokesperson Fadi El Abdallah, posibleng lumabas anumang oras ang freeze order.
Gayunpaman, nilinaw ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na wala pang natatanggap na freeze order request ang Pilipinas.
Paliwanag ni AMLC Executive Director Matthew David, sakaling mayroon dumating na kalatas sa ICC kaugnay ng freeze order sa yaman ng dating pangulo, hindi agad-agad maipatutupad ng ahensya ang naturang direktiba.
Bagamat kailangan pa muna aniyang suriin, talakayin at pagpasyahan ang posisyon ng gobyerno sa nasabing usapin – lalo pa’t hindi na kasapi ng ICC ang PIlipinas, tiniyak ni David na hindi kailanman tatalikuran ng AMLC ang nakaatang na mandato.
“The AMLC remains committed to fulfilling its mandate as the central Anti-Money Laundering and Counter-Terrorism Financing (AML/CTF) authority,” ani David.
Nilinaw naman ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala pang katiyakan makikipagtulungan ang gobyerno sa ICC pag naglabas ng freeze order para sa mga ari-arian ng dating pangulo.
“There is no commitment on our part, on the part of the administration if we will comply with any order issued by the ICC considering that the ICC as of the moment has no jurisdiction over the Philippines,” pahayag ni Castro.
Kaugnay naman sa paghimok ng ICC na muling sumanib ang Pilipinas, sinabi ni Castro na ngiti lamang ang sagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi rin umano napag-uusapan sa Palasyo ang posibilidad na umanib muli ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC matapos na kumalas ang pamahalaan sa panahon ng nakalipas na administrasyon.
