November 4, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

BATO NILAGLAG NG AMO, TINURONG LIDER NG DDS

NI ESTONG REYES

HINDI lang mga testigo sa Kamara ang marunong kumanta. Ito ang pinatunayan ni former President Rodrigo Duterte matapos magpakawala ng sariling pasabog kaugnay ng madugong giyera kontra droga.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee, hayagang itinuro ni Duterte sina Senador Ronald dela Rosa, retired Gen. Archie Gamboa, retired Gen. Debold Sinas, at retired Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na di umano’y nagsilbing lider ng Davao Death Squad (DDS) na nasa likod ng pagpatay sa mga personalidad na sangkot sa bentahan ng droga sa Davao City, sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng naturang lungsod.

“Lahat itong sa right side ko, dumaan ito sa chief of police, police director. Puro commander ng death squad yan,” tugon ni Duterte sa tanong ni Senador Jinggoy Estrada.

“Trabaho ng pulis yan. Eh literal, hindi mo sabihin na death squad, yon isang senador, yang naka-upo dyan, si Senator dela Rosa, death squad rin yan because they were police directors handling, controlling crimes in the city,” aniya pa.

“Dumaan yan, eh ito, dela Rosa, tanungin ko sila ngayon, tanungin ninyo, openly lahat yan dumaan sa pagka-police chief, pati yan si Gamboa, Danao kung may utos ba ako na patayin yung tao na nakatali ang paa pati kamay sa likod, or assassinate them?” ani Duterte.

“Ang sinabi ko ganito: Prangkahan tayo, encourage the criminals to fight, encourage them to draw their guns, ‘yan buhay ‘yan, ‘yan ang instruction ko…Encourage them lumaban, ‘pagka lumaban, patayin ninyo para matapos na ang problema ko sa siyudad ko,” pahayag ng dating pangulo.

Para sa mga kongresista, dapat umanong mapanagot si Duterte sa mga pagpatay kaugnay ng war on drugs matapos akuin ang responsibilidad sa ginanap na pagdinig ng blue ribbon committee ng Senado.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, malinaw ang naging pahayag ng dating pangulo.

“If we truly stand by our principles of justice and the rule of law, then Mr. Duterte must be held accountable. He must go to jail for these EJKs (extrajudicial killings). This is not about politics; it’s about justice,” ani Acidre.

Iginiit naman ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun ang kahalagahan ng naging pahayag ni Duterte.

“Duterte’s admission offers an opportunity to reaffirm our nation’s commitment to the rule of law. This is a critical time for our institutions to show their strength by pursuing the legal accountability that so many families have waited for.”

Babala naman ni House Assistant Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega, dapat nang pahintulutan ang pagpasok ng International Criminal Court — kung hindi sasampahan ng kaso si Duterte sa Pilipinas.

“If Philippine authorities do not act, the ICC could be a crucial avenue for justice,” giit ni Ortega. “We must ensure accountability for the lives lost and demonstrate that no one is above the law.”