MATAPOS magpositibo sa isinagawang surprise drug test ng National Capital Region Police Office (NCRPO), agad na sinibak sa pwesto ang chief of police ng Mandaluyong City Police Station.
Batay sa Memorandum Order na nilagdaan ni NCRPO Director Jose Melencio Nartatez, inatasan si Mandaluyong City Police chief Col. Cesar Gerente na bakantehin ang kanyang tanggapan, kasabay ng direktibang mag-ulat sa Regional Personnel Holding and Accounting Section sa ilalim ng Regional Personnel and Records Management Division ng NCRPO.
Hahalili sa pwesto ni Gerente bilang acting chief ng Mandaluyong PNP si Col. Mary Grace Madayag.
Agosto 24 nang magpatawag ng command conference si Nartatez sa NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, kung saan isinagawa ang surprise drug test sa 61 na opisyal ng rehiyon mula regional staff hanggang station commanders na kinabibilangan ni Gerente.
“I will not tolerate scalawags in NCRPO especially those who are involved in illegal drug activities, sinisiguro kong may kalalagyan kayo. Patuloy ang NCRPO sa paglilinis sa aming hanay para sa tapat at marangal na serbisyong publiko,” ani Nartatez.