
NASA 16 na katao ang iniulat na namatay sa isang sunog na sumiklab sa isang bahay na ginawang pabrika sa Quezon City, Huwebes ng umaga, ayon kay Fire Chief Supt. Nahum Tarroza na tumatayong hepe ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR)
Gayunman, hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawing biktima hanggat hindi pa naipapabatid sa kani-kanilang pamilya.
Batay sa paunang ulat ng BFP, pasado alas-5:00 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa kahabaan ng Gloria Avenue, Brgy. Tandang Sora, Quezon City. Partikular na tinukoy ni Tarroza ang isang residential house na aniya’y ginawang ginawang t-shirt printing establishment.
Kabilang umano sa mga namatay sa sunog ay ang mag-asawang may-ari ng bahay at kanilang 3-anyos na anak – na pawang nasa ikalawang palapag ng natupok na bahay.
Nadamay din sa sunog ang mga trabahador na stay-in na pawang mahimbing na natutulog nang maganap ang insidente.
Gayunpaman, pinalad na makaligtas ang tatlong empleyadong lumundag sa bintina ng isang kwarto sa ikalawang palapag ng establisyemento.
Sa imbestigasyon, lumalabas na mga sa mga kemikal na nakaimbak sa unang palapag ang pinagmulan ng sunog na unang sumiklab sa harapang bahagi ng bahay – dahilan para mahirapan makalabas ang mga tao sa loob ng naglalagablab na istruktura.
Dakong alas 6:28 ng umaga nang ideklarang under control ang sunog na tuluyang maapula bandang alas 8:00 ng umaga.
Pag-amin ni Tarroza, hindi agad nakaresponde ang mga pamatay-sunog dahil maling address na ibinigay ng tumatawag ng saklolo – na mas naging pahirapan pa sa mabigat na daloy ng trapiko dahil sa pagbaha ng mga lansangan patungo sa lugar ng insidente.