BUKOD sa humigit kumulang P300,000 sahod kada buwan, at komisyon sa mga tinutulak na proyekto, may bonggang pabaon din ang bawat miyembro ng Kamara sa tuwing magbabakasyon ang Kongreso.
Pag-amin ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, mayroong natatanggap na pondo ang mga miyembro ng Kamara tuwing magbe-break ang sesyon ng mababang kapulungan.
Sa isang panayam, nilinaw ni Tiangco na hindi kasama sa “pabaon” ang buwanang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na nakalaan para sa mga kongresista.
Hindi na rin umano bago ang naturang kalakaran. Katunayan aniya, siya man ang nakakatanggap ng “biyaya” mula pa nung unang nanungkulan bilang kongresista noong 2010.
“This is not new, this is not a new invention, simula noong ako ay naging congressman noong 2010 meron na yan. Sa lahat ng administrasyon,” diin ni Tiangco.
“Yung Christmas bonus, hindi ko alam kung tinatawag nilang Christmas bonus yan pero again, every since naging congressman ako every time magbebreak merong ano yan, hindi bonus ang tawag eh. Hindi ko alam kung anong tawag nila dun eh.”
Mula sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa araw ng SONA tuwing Hulyo, ang unang break umano ay bago ang Undas, na susundan ng Christmas break, at Holy Week break.
“Sasabihin ko ulit, hindi yan nasimulan ngayong administrasyon na ‘to. Ever since naging congressman ako meron ng ganyan,” giit pa ng kongresista.
