MATAPOS ang dalawang linggo ng pananahimik, muling umarangkada ang agresyon ng China sa West Philippine Sea, ayon sa Philippine Navy.
Ayon kay Rear Admiral Vincent Trinidad, binomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Sa idinaos na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, ibinahagi ni Trinidad ang impormasyon hinggil sa aniya’y panibagong pambabarako ng China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone kung saan aniya gumamit ng water cannon ang CCG para itaboy ang sasakyang dagat ng Pilipinas.
Nang hingan ng iba pang detalye kaugnay ng nasabing insidente, minabuti ni Trinidad na ipaubaya sa BFAR ang paglalabas ng pormal na kalatas hinggil sa pinakabagong pambabarako ng China sa nasasakupang karagatan ng Pilipinas.
Kalimitang nagsasagawa ng resupply mission ang BFAR sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc. Buwan ng Agosto nang sagasaan ng CCG ang barko ng BFAR sa Escoda Shoal.
