
MATAPOS ang apat na buwan, nananatiling misteryo pa rin sa Bureau of Immigration kung paano at anong eroplano ang ginamit sa pagtakas ng sinibak na Bamban Mayor Guo Hua Ping alyas Alice Guo patungo sa bansang Malaysia.
Sa budget deliberation ng senado sa proposed budget ng immigration bureau, inamin ng mga kinatawan ng naturang kawanihan na wala pang beripikadong impormasyon sa eroplanong sinakyan ng sinibak na alkalde sa pagtakas noong Hulyo ng kasalukuyang taon.
“What was confirmed is that she entered Malaysia, Kuala Lumpur International Airport, but the actual flight, they are still going through official channels to verify the aircraft and they are trying to cooperate with Kuala Lumpur to get that information,” wika ni Senador Grace Poe.
“Tayo, wala tayong flight number or manifest na nakaalis siya ng ating bansa,” dugtong ni Poe.
Bagamat nakakulong na sa Pasig City Jail, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kay Guo na nabistong isang Chinese national.
Sa testimonya ni Shiela Guo, bangka di umano ang ginamit ng sinibak na mayor sa pagtakas papunta sa Malaysia.
“I’ve said this, I’ve mentioned this every time we have this hearing, Alice Guo might have escaped using a private plane going through a small airport like for example Samar or basta yung maliliit na airstrips na kayang mag-landing ang maliit na eroplano na walang bantay na CAAP, na walang bantay na tao ng Bureau of Immigration,” saad naman ni Senador Jinggoy Estrada.
“If we continue to neglect this problem, not to give attention to this problem, there will be a lot of fugitives that can evade arrest and just flee our country. That’s why something must be done,” aniya pa.
Sinegundahan naman ni Poe ang sinabi ni Estrada — “Ngayon ang ginawa natin sa lahat ng mga chartered flights, bago sila makaalis, yung Immigration officer, pupuntahan sila doon sa hangar, may mobile device to check their identity, et cetera, bago payagan ng air traffic control na makaalis sila.”
“We’re banking on the honesty of our officials to be able to comply with these processes,” sambit pa ng lady senator.
Nahaharap si Guo sa mahabang talaan ng kasong kriminal kabilang ang qualified human trafficking na nakabinbin sa Pasig Regional Trial Court, kasong graft sa Valenzuela RTC, tax evasion, money laundering, perjury at falsification of public documents.