GAMIT lamang ang credit card, umabot sa P1,000,919.62 ang kabuuang nagastos ni Vice President Sara Duterte sa pamimili ng sapatos sa mga kilalang shoe brand shops sa Japan noong nakaraang taon. Bukod sa sapatos, ibinisto rin ni forensic financial analyst na si Alex Cabrera ang laki ng halagang pinakawalan ni Duterte sa mga mamahaling restaurant sa naturang bansa, gamit ang credit card. Sa testimonya ni forensic financial analyst na si Alex Cabrera — na isa ring Certified Public Accountant — inilatag ang analysis report kung saan nakapaloob ang pitong “entries” sa Table 25. “Meron po rin kami nakuha ng information tungkol sa kanilang credit card purchases,” salaysay pa ni Cabrera. Kabilang sa mga tinutukoy ang tatlong entries sa Mega Don Quijote, na may kabuuang halagang ₱239,887.83. Isa sa mga ito ay nagkakahalaga ng ₱111,109.24, habang dalawang pamimili naman sa Mega Don Quijote Shibuya na ₱62,900.95 at ₱65,877.64 noong August 12 at August 14. Nabatid na ang Don Quijote ay isang Japanese discount retailer, na kilala sa mamahaling paninda tulad ng pagkain, cosmetics, household essentials, clothing at electronics. Sa nasabing bansa pa rin, mayroon din aniyang naging single restaurant transaction ang bise presidente sa Ginza Inakaya, Tokyo, na may kabuuang halaga na P200,007.29 noong March 19, 2025 “Yung amount ay P205,000 pinambayad sa isang restaurant na isang transaction lang. Maaari pong dinner po sa Ginza, Inakaya, Tokyo, Japan,” ayon kay Cabrera. Noon namang July 15, may shopping purchase si Duterte sa Nike Pavilion KL sa Kuala Lumpur, Malaysia sa kabuuang halaga na MYR18,746, o katumbas ng ₱256,882.50. Dito naman sa Pilipinas, sinabi ni Cabrera na merong December 27 transaction date at December 28 posting date sa credit card ng bise presidente sa Nike SM Davao Annex. Ito ay nagkakahalaga ng ₱93,750 at ₱205,392 o kabuuang halaga na ₱299,142. Samantala, tahasang namang sinabi ni House lead prosecutor Atty. Gerville Luistro na ang mga pagbubunyag ni Cabrera ay nagpapakita kung gaano kalaki ang bank accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio at ang walang habas na paggasta. “May bills sa restaurant, kaya ba natin yun, isang kain P205,000? And then, meron din silang charges sa Nike Davao eh sobrang laki naman nito, 300,000 in total. At meron pa silang charges din sa Nike naman Kuala Lumpur, that is ₱256,000,” ani Luistro. “Importanteng nabanggit ito because this is entirely different from the picture that they depicted when they entered national politics. Anong nakikita natin? Si former president natutulog sa loob ng kulambo, kumakain sa karinderya. Si respondent vice president tumutusok ng fishball and then you will be confronted with purchases through credit card: isang kain P205,000, isang punta sa Nike Davao halos P300,000, isang punta sa Nike Kuala Lumpur 256,000,” giit niya. Binanggit din ni Luistro ang tseke na inisyu ni Carpio kay Lourdes Lebosada, isang dentist at business partner ng huli sa Cale88 Foods Corporation na nagkakahalaga ng P11.35 million. Dagdag ng House lead prosecutor, isa pa sa nakalululang paggasta ng bise presidente ay ang pagbili ng apat na tig-P20 million insurance investment mula sa P96 million na joint account nila ng amang si former President Rodrigo Duterte. “This is entirely different from the picture that they depicted for us to believe.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation DICT, PCO Secretaries laglag sa Gabinete Maleta Boys kokontrahin hirit na piyansa ni Romualdez