HINDI kailanman maiiwasan ang taunang singit-pondo ng mga mambabatas kung walang pangmatagalang plano ang gobyerno.
Para kay Senador Sherwin Gatchalian, higit na angkop pagtuunan ng pamahalaan ang pagbalangkas ng isang infrastructure roadmap para sa susunod ng 30 taon.
Sa ganung paraan aniya, matutuldukan ang paulit-ulit ng budget insertions ng mga pulitiko sa national budget.
Sa ilalim ng inihain ang panukala, target ni Gatchalian lumikha ng isang 30-taong infrastructure master plan upang matiyak ang pinakamataas na benepisyo o maximum return of investment at maiwasan ang anumang budget insertion sa proyekto ng pamahalaan.
Bukod sa pagpigil sa mga budget insertion, hangad ng Senate Bill 1652 o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act, na masigurong magpapatuloy ang mga mahahalagang proyekto ng pamahalaan nang walang antala kahit pa magpalit ng administrasyon.
Aniya, layunin din ng naturang panukala ituon ang pondo sa mga proyektong mapapakinabangan ng mas nakararaming mga Pinoy na pinagmumulan ng pondo — sa anyos ng buwis.
“Kailangang masiguro natin ang pag-unlad ng bansa nang walang political interference. Dahil mas malaking bahagi ng pambansang pondo ay napupunta sa imprastraktura, kailangang matiyak na bawat piso ay nagagastos sa mga proyektong tunay na pakikinabangan ng mga karaniwang Pilipino,” ani Gatchalian, na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Finance.
Ayon sa senador, mula 2022 hanggang 2025, ang alokasyon para sa national infrastructure projects ay lumago ng 7.9% kada taon, base sa datos ng Department of Budget and Management.
“Kapag ang masterplan ay naka-angkla sa batas, hindi ito madaling palitan at maipagpapatuloy ang mga importanteng imprastraktura kahit na magpalit-palit pa ang mga nasa pwesto.” (ESTONG REYES)
