MULA sa liquidation report na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA), nalantad sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ang nasa 845 acknowledgement receipts (ARs) bilang pagtukoy sa pinagkagastusan ng P125 million confidential funds nito para sa 4th quarter ng 2022.
Sa pagharap sa Senate Impeachment Court, inihayag ni State Auditor Roderick Wamil, na namahala sa post-audit sa OVP at maging sa Department of Education (DepEd) kabilang ang panahong pinamumunuan ito ni Vice President Sara Duterte, gumawa siya ng tabulation matapos mabigay sa kanya ang ARs.
Ang personal na talaan ay nagtataglay umano ng impormasyon sa naging “payments, purpose of payments, date of payments at amount” o halaga na binigay sa recipients o pinagbigyan ng nasabing confidential funds.
Isa sa napansin ni Wamil, na tumayong testigo ng House prosecution, ay ang petsa ng ARs, na karamihan ay mula December 21 hanggang December 31, 2022 subalit meron din aniyang may petsang December 31, 2023.
Kabilang sa mga ginastos ng OVP na ARs ang ipinakitang katibayan ay ang Payment of Reward (various goods) na P34.857 M, Payment of Reward (medicines) P24.93M, Payment of Purchased Supplies P11.813M, Payment of Tables and Chairs P500,000 at Payment of Desktop Computers and Printers P3M.
Matapos nito, sa kanyang direct examination ay ipinakita naman ni private prosecution lawyer, Atty. Lorna Kapunan ang kopya ng ilang ARs kay Wamil.
Unang prinsinta ni Kapunan ang AR na nakapangalan at pirmado ng isang Mary Grace Piattos kung saan nakalagay na payment for rewards at medicines sa halagang P70,000.
Nang tanungin kung ang sinasabi pa sa naturang AR ay mga gamot sa halagang P70,000 ang ibinigay kay Piattos bilang reward, sinabi ni Wamil na hindi nila lubos na matukoy ang transaksyon kaya hiningan nila ng dagdag na dokumento ang OVP.
“Dahil hindi po ito properly supported by documents evidencing success, which is required under Item 4.8.5 of Joint Circular 2015-01,” sabi pa ng COA officer.
Sunod na inusisa ni Kapunan ang sumunod na AR na nakapangalan at pirmado ng isang Renan Piattos na tumanggap ng P110,000 at ang dokumento ay may petsang Dec. 27, 2023, isang taon ang nakalipas sa mula sa sakop ng cash advance ng OVP.
Ang iba pang ARs na nilantad ng veteran lady litigator ay nakapangalan kina Nova Santos – P85,000 payment of reward various goods, Mico Harina – P295,00 payment of purchase supplies, Janice Marie Revilla – P70,000 purchase of information, Patty Ting -P150,000 purchase of information, Andy Lim – P50,000 purchase of Information, Alejandro Pikit – P90,000 Purchase of Information, Feonna Biong – P80,000 purchase of information,
Sisfrunio Balsac – P70,000 purchase of information at Gabriel S. Bisaya – P70,000 purchase of information.
Sinabi naman ni Wamil na hindi bahagi ng evaluation sa liquidation ng confidential funds ng OVP ang pagtukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng mga pinangalanan recipient o tumanggap ng pondo.
Matatandaan na sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Nobyembre ng nakaraang taon, lumabas na sa 1,992 na nilista ng OVP na mga nabigyan ng confidential funds, nasa 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records at 1,592 naman ang walang death records mula sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nag-alok pa ang ilang mambabatas ng P1 milyong cash reward sa sinumang makapagtuturo at makabibigay ng tunay na pagkakakilanlan kay Piattos.
