INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasagawa ng autopsy sa labi ni former Public Works and Highways Undersecretary Catalina Cabral matapos ang umano’y pagpapatiwakal sa Tuba, Benguet.
Sa isang kalatas, ipinaliwanag ng DOJ na kailangan sundin ang Department Circular No. 013 na pinirmahan ni dating Justice Secretary (na Ombudsman na ngayon) Jesus Crispin Remulla.
Sa ilalim ng Circular No. 013, obligadong isailalim sa autopsy ang mga bangkay ng taong namatay sa kahina-hinalang paraan.
Pag-amin ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, inirekomenda na ng DOJ sa Philippine National Police (PNP) na isailalim sa autopsy ang bangkay ni Cabral, dahil pasok umano ang kanyang pagpanaw sa nasabing probisyon.
Una nang tumanggi ang pamilya ni Cabral na ipa-autopsy ang bangkay ng yumaong kaanak — bagay na kasalukuyang pinag-aaralan ng kanilang legal officers ang susunod na hakbang.
Iginiit naman ni Justice Secretary Frederick Vida na mas mainam na isailalim sa autopsy ang bangkay ni Cabral upang maalis ang anumang pagdududa at matukoy kung may naganap na foul play.
Kaugnay ng pagkamatay ni Cabral, sinabi ng DOJ na nawala na ang anumang criminal liability ni Cabral — kung meron man, bagamat nilinaw ng ahensya na maaari pa ring habulin ang tinatawag na civil liability ng dating DPWH official. (JULIET PACOT)
