HINDI balakid ang pagpanaw ni former Public Works and Highways Undersecretary Catalina Cabral sa paghahain ng civil forfeiture cases sa mga ari-arian ng dating opisyal, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, bagama’t wala nang bisa ang anumang posibleng pananagutan ni Cabral dahil sa kanyang pagpanaw, maaari pa rin habulin ang anumang yaman na nakamit sa iligal na paraan — kung mapapatunayan ng walang bahiD alinlangan ng Sandiganbayan.
Samantala, inirekomenda na rin ng DOJ sa Philippine National Police (PNP) na isailalim sa autopsy ang mga labi ni Cabral upang malaman kung nagkaroon ng foul play.
Nanghihinayang naman si Independent Commission for Infrastructure Chairman ret. Justice Andres Reyes Jr., sa pagpanaw ni Cabral at sa hindi nito pagsipot nang ipatawag noong nakaraang Lunes.
Aminado si Reyes na marami pa sana silang pwedeng malaman kay Cabral na makakatulong sa imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto kontra baha. (JULIET PACOT)
