MULING nagsauli ng limpak-limpak na pera si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara sa Department of Justice.
Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, bahagi pa rin ng tinatawag na “restitution” ang isinauli ni Alcantara na itinuturing na ngayon bilang isang state witness sa ilang kaso kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Sa pagtutuos ng kagawaran, pumalo sa P71 milyon ang halaga ng ibinalik ni Alcantara ngayong Biyernes sa tanggapan ng DOJ na bahagi pa rin umano ng kanyang mga nakuhang kickback sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ikalawang beses na itong nagsauli ni Alcantara na nauna nang nagbalik ng P110 milyon noong Nobyembre 28.
Sa harap ni Independent Commission for Infrastructure Chairman ret. Justice Andres Reyes Jr. ipinrisinta sa media ang mga perang ibinalik ng dating DPWH Engineer.
Sabi ni Vida, layon nitong ipakita sa ICI ang mga nangyayaring restitution at bahagi ng mandato ng Pangulong Marcos Jr. na magtulong-tulong ang mga ahensya ng gobyerno sa pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga nasa likod ng katiwalian. (JULIET PACOT)
