HINDI bababa sa 15 transaksyon ng kumpanyang iniuugnay kay Atty. Mans Carpio, ang nasilip ng prosekusyon bilang ebidensya sa P319.33 million foreign remittances na natanggap ng nasabing kumpanya mula sa bansang China. Partikular na tinukoy ni House impeachment adviser and spokesperson Ace Barbers ang tatlong report na inilatag prosekusyon sa Senate impeachment court. Sa mga naturang report, kinuwestyon ni Barbers ang pagpasok ng pera sa Cale88 na aniya’y walang bakas ng operasyon o economic justification. Samantala, hindi naman umano angkop sa laki at kapasidad ng kumpanya ang natitirang 12 transaksyon. “Sa tatlong ito ang dahilan, walang pinagbabatayan legal o trade obligation, layunin o economic justification ang mga padalang pera galing sa China. Sa labindalawang transaksyon, hindi tugma ang halaga sa laki ng negosyo o sa kakayahang pinansyal ng kumpanya. Iyan ang nakasaad sa report ng AMLC,” wika ng dating kongresista. Sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) nasa P319.33 million remittances mula mainland China at Hong Kong ang pumasok sa bank accounts ng Cale88. Sa nasabing halaga, P315.94 million ang mula sa mainland China, at P3.39 million naman ang galing sa Hong Kong. Iniulat din ng AMLC na may tinatayang P776 million ang naitalang inflows o pumasok sa bank accounts ng Cale88, na ang isa sa former shareholders nito ay si Carpio. Muli rin binalikan ni Barbers ang kuwestyunableng paglobo ng kita ng GenCorp Industries Inc., na kabilang sa mga kumpanyang idineklara ng bise presidente sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Network (SALN). Hindi rin pinalampas ni Barbers ang makapanindig-balahibong P520-million sales ng kumpanyang meron lang aniyang P1.25 million paid-up capital. “GenCorp recorded P28 million in sales in 2021, which jumped to P300 million in 2022, the year Duterte assumed office as vice president. By 2025, the company’s sales had exceeded P520 million.” Subalit hindi lamang ang malaking kita ang sinilip ni Barbers kundi maging ang pagkakaroon ng GenCorp ng P150 million halaga ng property at equipment sa kabila ng limitadong kapital. “Kaya may dalawang tanong dito bukod sa mga kontrata. Kanino ang GenCorp? At saan galing ang perang nagpalaki dito sa kumpanyang ito?” Isa rin sa kumpanyang iniuugnay kay Duterte ay ang Metro City Chow, na sa 2025 corporate filing ay nakalista ang bise presidente bilang miyembro ng board of directors. “Pag Bise Presidente ka, hindi pwedeng ‘yung isang kamay mo ay namamahala sa gobyerno habang ‘yung kabilang kamay ay namamahala naman sa negosyo,” giit ni Barbers. “Umalis ba siya sa mga negosyong ito? Nagbitiw ba s’ya sa pamamahala ng mga negosyong ito? Binitawan niya ba ang kanyang mga interes sa mga negosyong ito?” Hamon ni Barbers kay Duterte, maglabas ng dokumentong magpapatunay na binitawan ang posisyon at interes sa mga nasabing kumpanya. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Hanggang objection lang: Mga abogado ni Sara desperado na