
SA gitna ng nakaambang peligrong kalakip ng panahon ng tag-ulan, nagpahayag ng kahandaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) tumugon sa tawag ng saklolo bunsod ng kalamidad.
Para kay Col. Francel Margareth Padilla na tumatayong tagapagsalita ng hukbong sandatahan, hindi limitado sa pagtatanggol ang mandato ng AFP.
Ayon kay Padilla, obligasyon din ng AFP protektahan ang mga komunidad sa bisa ng mabilis na humanitarian assistance at disaster response.
Katuwang aniya ng AFP ang iba’t -ibang mga task force at mga partner agencies upang matiyak ang maayos at epektibong pagtugon sakaling magkaroon ng kalamidad.
Ibinida rin ng AFP spokesperson ang pagsasanay ng mga sundalo, “prepositioned assets” sa high-risk areas at logistical capabilities na higit na kailangan para magsalba ng buhay. (EDWIN MORENO)