
MATAPOS ang pananalasa ng bagyong Julian, nanindigan ang Department of Agriculture (DA) na hindi apektado ang presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultura sa merkado.
Ang dahilan – una nang inani ng mga magsasaka ang kanilang produkto bago tumama ang naturang bagyo.
Sa isang media forum, inihayag ng Department of Agriculture (DA)agad na inabisuhan ng kagawaran ang mga magsasaka sa Cagayan Valley, Ilocos region at Cordillera Regions na mag-ani na bago pa man tumama sda kalupaan ng nasabing rehiyon ang bagyong Julian.
Ani Assistant Secretary Arnel de Mesa, tinatayang 44,000 ektarya ng mga pananim ang naani bago pa man dumating ang bagyong Julian. Gayunpaman, may pitong libong ektarya ang hindi nagapasan dahil hindi pa pwedeng anihin ang mga nakatanim.
Pag-amin ng opisyal, may bahagyang nalugi pero hindi sapat para gumalaw ang presyo ng bigas at iba pang agri products sa mga naturang lugar.
“Malaki pa rin iyong ating na-save bagamat may mga area pa rin na losses but still within the projected damage at will not cause significant for increases sa mga presyo lalo na sa bigas at mga gulay,” ani de Mesa.
Batay sa ulat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 15,000 tonelada ng mga pananim ang nasira ng bagyong Julian, kasabay ng hiling ng ayuda para sa replanting sa lalong madaling panahon sa hangaring makabawi ang mga magsasaka.