WALANG puwang sa pamahalaan ang katiwalian, babala ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno kasabay ng paglulunsad ng tinawag niyang “One-Strike Policy” sa kawanihan.
Ayon kay Nepomuceno, mananagot ang mga opisyal at kawaning sangkot sa katiwalian, smuggling at iba pang aktibidad na nakakasira sa integridad ng ahensya.
Usap-usapan din sa BOC ang pagsibak ni Nepomuceno kay Port of Cebu customs collector Alexandra Lumontad matapos matunton ang pinagmulan ng bilyon-bilyong halaga ng smuggled na sigarilyong nasilat ng mga operatiba sa Maynila.
Partikular na tinukoy ng BOC chief ang kontrabandong nasabat sa Port of Manila. Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na sa Port of Cebu ipinasok ang mga smuggled na sigarilyo bago pa man dinala sa Maynila.
Samantala, nanawagan si Nepomuceno sa publiko na ipagbigay-alam sa kanyang tanggapan anumang impormasyon kaugnay ng katiwalian sa mga pasilidad na pinangangasiwaan ng BOC.
Garantiya ng BOC chief, walang sasantuhin ang “all-out war” laban sa smuggling at katiwalian.
