BAGAMA’T ipinauubaya ng House prosecution panel sa Senate impeachment court ang pagpapasya hinggil sa “sealed box” mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), nanindigan naman ang lupon ng tagausig na ang pagbubukas ng nasabing kahon ay bahagi ng pagtataguyod ng transparency.
“Ang position ng prosecution transparent dapat sa impeachment court. Hindi pwedeng i-executive session ang mga ebidensya,” wika ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan sa panayam ng mga mamamahayag.
“But we will leave it to the discretion of the impeachment court,” dugtong niya.
Ginawa ni Kapunan ang pahayag matapos ang idinaos na Mass for Truth, Justice, and Accountability, na pinamunuan ng Catholic clergy bilang pagpapakita rin ng pakikiisa sa House prosecution panel.
Sa naturang misa, nagkaroon din ng panawagan para ipagdasal ang prosecutors na mabigyan ng ibayong karunungan, tapang at pagsunod sa katotohanan sa kanilang paghahanda at pagharap sa impeachment court.
Matatandaan na isinalin ng prosekusyon ang kustodiya ng selyadong kahon na naglalaman ng tax records ni VP Sara sa Senate impeachment court bilang “reserve evidence” na inayunan naman ng mga abogado ng akusado.
Target ng prosekusyon gamitin ang tax records ng pangalawang pangulo para patunayan na may tagong yaman na hindi idineklara ng pangalawang pangulo sa isinumiteng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth.
“Ang magandang nangyari sa pre-trial, eh pumayag din ang defense na tignan, markahan ‘yung mahiwagang BIR box. Pero kung ano ang disposition ng impeachment court, ay hintayin na lang natin sa trial,” dagdag ni Kapunan.
Inaasahan naman matutugunan ang senate impeachment court ang procedural issue sa selyadong kahon mula sa BIR sa pormal na pag-arangkada ng paglilitis.
