
KUNG pagbabatayan ang lumalawak na impluwensya at mapangahas na hakbang sa iba’t ibang larangan, hindi malayo ang posibilidad na pasok na ang bansang China sa kategorya ng pagiging banta sa seguridad ng buong mundo.
Sa pagsusuring inilahad na sa ginanap na 27th Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF), nagbabala ang isang eksperto sa seguridad at mga mambabatas mula sa Estados Unidos hinggil sa tumitinding agresyon ng militar, ekonomikong pamimilit, at lihim na pakikialam ng Beijing sa umiiral na demokrasya sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Tampok sa naturang forum, na ginanap sa Kamara de Representantes sa Batasan Complex, Quezon City, ang matitinding kritisismo sa China mula kina dating U.S. Congressman Robert Pittenger, U.S. Senator Bill Cassidy, at dating Deputy National Security Advisor Matt Pottinger.
Anila, ginagambala ng Chinese Communist Party (CCP) ang pandaigdigang kaayusan sa pamamagitan ng ekonomikong panlilinlang, panghihimasok sa pulitika at pagpapalawak ng militar.
Ayon kay Pittenger, founder ng PI-SF, ang China ay pangunahing tagasuporta ng mga awtoritaryanong rehimen.
“We have many challenges in the world today, spawned in large part by the nemesis in this region—China,” ani Pittenger. “For each of those threats and challenges we have, much of their commitment, their support, their investment comes from China. We all understand that.”
Binigyang-diin din niya ang ugnayang ekonomiko at militar ng China sa Iran, North Korea, at Russia, na nagpapalakas ng mga sigalot at nagbibigay-lakas sa mga lider awtoritaryan.
Pinuna rin niya ang paggamit ng China ng cyber warfare, ekonomikong pangingikil, at mga iligal na financial network upang magkaroon ng politikal na kontrol sa mga mahihinang bansa.
“This mission began 10 years ago with the sole purpose of providing information so that you could make good decisions,” saad ni Pittenger kasabay ng paghimok sa mas pinaigting na palitan ng impormasyon at economic sanctions laban sa Beijing.
Sa isa naman video message, tahasang sinabi ni Cassidy na ginagamit ng Beijing ang korapsyon para pabagsakin ang mga demokrasya.
“One of the main reasons we’re at odds with China is because they do not respect international rules, principles, or norms. The values that every freedom-loving people in society accepts, they disregard,” aniya.
Babala pa ni Cassidy, ang paggamit ng China sa ibang foreign leaders sa pamamagitan ng iligal na insentibo sa pananalapi ay nagtutulak sa iba’t ibang bansa na maging economically dependent sa naturang bansa.
“The CCP targets vulnerable nations, offering investments in infrastructure and development projects, only to later weaponize them as leverage for geopolitical control,” dagdag niya
Tinuran din ni Cassidy na pangunahing target ng China ang Pilipinas sa kanilang expansionist tactics.
Partikular dito ang iligal na panghihimasok sa West Philippine Sea, militarisasyon sa mga artificial islands at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino na ikinagalit ng bansa.
Tinukoy din niya ang malawakang paggamit ng debt-trap diplomacy ng China, na minanipula ang mga pamahalaan sa Africa, Latin America at Southeast Asia sa pamamagitan ng mga malalaking pautang para sa proyektong pang imprastraktura.
“There would never be a war with China that the Philippines would be unable to win,” pahayag ni Cassidy kasabay ng pagbibigay diin sa pagpapalakas ng alyansang pandaigdig laban sa pagiging agresibo ng China.
Inilarawan ni Pottinger ang estratehiya ng China tulad ng isang tahimik na Cold War na gumagamit ng pagpapakalat ng maling impormasyon, pagdepende sa ekonomiya at pananakot gamit ang militar para pabagsakin ang demokrasya.
“For too long, we have indulged the fantasy that economic engagement would liberalize China. Instead, Beijing has exploited, outmaneuvered, and undermined democracies to serve its authoritarian ambitions,” aniya.
Tinuligsa ni Pottinger ang paghawak ng China sa COVID-19 lalo na sa ginawa nitong pagtatakip sa outbreak sa Wuhan na nauwi sa pandaigdigang kapahamakan.
Kinondena rin niya ang pagnanakaw ng China sa intellectual property, mapanirang polisiyang pangkalakalan, at paninira sa kalikasan bilang top polluter sa mundo.
Ibinabala rin niya ang koneksyon ng China sa mga bansang awtoritaryanismo, partiklar ang kasunduan kasama kay Vladimir Putin bago giyerahin ng Russia ang Ukraine.
Inakusahan din niya ang China ang pagpapalakas sa militar ng Moscow habang naghahanda sa posibleng pag-aksyon ng kanilang militar laban sa Taiwan.
Paghimok ni Pottinger sa mga demokratikong bansa na palakasin ang pagpigil sa military sa Indo-Pacific, harangin ang access ng China sa Western technology at kapital, ipagbawal ang mga plataporma ng kontrolado ng CCP gaya ng TikTok at WeChat at patatagin ang alyansang pang-ekonomiya at political laban panggigipit ng Beijing.
“Beijing’s messaging is a carefully crafted deception: a public call for peace, while covertly fueling war,” babala niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)