
PARA kay Senador Juan Miguel Zubiri, hindi angkop na maging kampante si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na aniya’y anumang oras ay posibleng malaglag at palitan sa pwesto.
Wala man binanggit na pangalan, mistulang pasaring ang babala ni Zubiri kay Escudero matapos sumingaw ang di umano’y panibagong senate coup na niluluto ng ilang senador kabilang si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
Magugunitang pinalitan ni Escudero si Zubiri bilang senate president sa bisa ng kudeta na kanya mismong pinamunuan.
Una nang lumabas sa mga pahayagan ang planong patalsikin si Escudero bago magbakasyon ang Kongreso.
“So my advice to the Senate President current and future, never warm up too much on your seat. Never be too attached to your office,” ani Zubiri.
Aniya, karaniwan umuugong ang “kudeta” tuwing malapit ng magbakasyon ang mga senador.
Gayunpaman, inamin ng dating senate president na wala naman umano siyang napapansing pag-ikot ng papel na naglalayong sipain sa pwesto si Escudero.