
TATLONG tigasing magkakapatid sa senado? Bakit hindi?
Sa isang pambihirang pagkakataon, posibleng magreunion ang tatlong mamamahayag na magkakapareho ang apelyido — hindi sa silid-balitaan kundi sa bulwagan ng Senado, matapos ang personal na ipahayag ni Ben Tulfo ang pagpasok sa pulitika.
Ayon sa 69-anyos na broadcast journalist na tubong Marawi City, target niyang makasungkit ng pwesto sa senado pagsapit ng 2025 midterm election sa Mayo – bilang isang independent candidate.
“I was born here in Marawi (dating Dansalan) at Camp Keithley. The blood of a warrior runs through my veins. I am not a deep fake. I am authentic,” ani Tulfo sa pagbisita sa sinilangang lugar sa gawing katimugan.
Aniya, siya’y isinilang noong nakadestino pa ang kanyang amang hepe ng 75th Philippine Constabulary Company sa Camp Keithly, na isang dating military base ng Amerika.
Iginawad naman ni Marawi Mayor Majul Gandamra ang pagkilala bilang “Honorable Son of Marawi.”
“You have consistently offered your support and assistance to everyone, including members of the Islamic community, through most of your career regardless of your differing faith,” ani Gandamra.
Batay sa pinakahuling OCTA Research survey, mula sa Magic 12, umangat sa No. 2 si Tulfo na mas kilala sa “Bitag”.
Sa nakuhang 57 porsyento ni Tulfo, maituturing ng OCTA Research na ‘statistically tied’ ito sa No. 1 sa kanyang kapatid na si Erwin Tulfo ng ACT-CIS partylist na nakakuha ng 60 porsyento na tatakbo rin sa pagka-Senador.
Kasalukuyang senador ang kanilang kapatid na si Raffy Tulfo.