WALANG plano ang Commission on Elections (Comelec) isantabi ang proklamasyon ni Mamamayang Liberal (ML) partylist Representative-Elect Leila de Lima
Sa isang pulong-balitaan, inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na walang dahilan ang Comelec para suspendihin ang proklamasyon sa susunod na linggo matapos ipawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) sa acquittal ng korte kay de Lima sa isa sa mga drug cases na inihain ng nakalipas na administrasyon.
“Wala naman pong pending case sa amin yung mismong naturang partylist para kami mag-issue ng order to suspend any proclamation,” wika ni Garcia.
Para kay Garcia, maraming remedyong pwedeng ikonsidera si de Lima tulad ng paghahain ng motion for reconsideration o ang pag-apela sa Korte Suprema laban sa pasya ng CA.
“Wala pong epekto yan sa magiging proklamasyon natin doon sa kanilang partylist o personalidad.”
