KASABAY sa inaasahang 18.3% increase sa iba’t-ibang benepisyong pinagkakaloob ng pamahalaan, patuloy na inuudyukan ni AGRI partylist congressman at senatorial aspirant Manoy Wilbert Lee ang Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na magsagawa ng mga hakbang para ipagamot ang mga may karamdaman.
“Paspasan pa ang pagdaragdag ng benepisyo!,” wika ni Lee, kasabay ng pangakong hindi niya tatandanan ang DOH at PhilHealth hangga’t hindi natutupad ng ang kanilang naging pangako sa kanya.
“Nadagdagan na ang mga benepisyo, pero kaya pang bilisan at dagdagan ang mga ito. Kung kailangan mag-overtime ng DOH at PhilHealth, gawin na ito. Walang dapat sayangin dahil buhay ng mga kababayan natin ang nakasalalay dito at sobrang delayed na rin ng implementasyon nito,” pahayag ng Bicolano solon.
Ayon kay Lee, ang DOH bilang head ng PhilHealth Board at ang state health insurer mismo ay dapat bilisan ang pagpapatupad ng taas-benepisyo lalo pa aniya’t may mahigit sa P500-bilyong pondo pwede gamitin.
Una nang kinastigo ng mambabatas ang dalawang ahensya sa aniya’y pag-iipit sa daan-daang bilyong pondo dahil patingi-tingi ang benefits package increase na ibinibigay ng PhilHealth.
Nababahala si Lee sa Global Medical Trends Survey na isinagawa ng WTW, isang global advisory, broking at solutions company kung saan sinasabing inaasahan ang double digit increase sa medical costs, na tinatayang nasa 19.4% na pagtaas – pangalawa sa pinakamataas sa Asia Pacific.
“Kung magmamahal pa ang pagpapa-ospital ngayong taon, hindi rin gaanong mararamdaman ang mga dagdag na benepisyong ipinatupad ng PhilHealth. Kaya dapat lang na dagdagan pa ito para naman talagang mabawasan ang pangamba at alalahanin ng ating mga kababayan sa pagkakasakit,” ani Lee.
“DOH as the head of PhilHealth Board and the state health insurer itself must ramp up its efforts to utilize the more than P500 billion, or half a trillion available funds to further increase the benefits and genuinely achieve the objectives of Universal Health Care,” dugtong niya. (Romeo Allan Butuyan II)
