HINDI dapat umabot sa Palasyo ang bulilyaso ng mga tuta ng Pangulo. Ito marahil ang nasa isip ng mga nakamasid na mamamayan matapos tablahin ng Department of Justice (DOJ) ang panawagan imbestigahan ang isa sa mga mataas na opisyal ng naturang ahensya.
Sa isang eksklusibong panayam sa isang mapagkakatiwalaang source sa DOJ, inilutang ang posibilidad ng isang cover-up kay Justice Undersecretary Jojo Cadiz na sinasabing ‘bagman’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., batay sa pinakahuling ‘pasabog’ ni Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Pag-amin ni Acting Justice Secretary Frederick Vida, nagbakasyon umano si Cadiz mula Nobyembre 21. Gayunpaman, hindi sinabi ng Kalihim ang naging batayan para aprubahan ang “vacation leave” ni Cadiz.
Una nang tinukoy ni Co si Cadiz na umano’y tumanggap sa kanya ng salapi mula sa flood control kotong. Si Cadiz anang dating kongresista ang naghahatid naman ng pera direkta sa Pangulo.
Ayon kay Co, Disyembre 2 ng nakalipas na taon nang personal niyang ideliver kay Cadiz sa No. 30 Tamarind Street South Forbes Park ang P200 milyon na dadalhin naman umano sa bahay ni Marcos sa number 41 South Forbes Park.
Paliwanag naman ni Vida, walang hurisdiksyon ang DOJ para imbestigahan si Cadiz, sa halip Ombudsman aniya ang may kapangyarihan sa naturang usapin.
Pagtitiyak naman ni Vida, nasa Pilipinas pa rin si Cadiz. Hindi rin umano nagtatago ang nabanggit na opisyal na aniya’y walang isinumite na travel request. (JULIET PACOT)
