SA pag-asang pagbibigyan ang hiling na maging state witness, sinimulan ni dismissed District Engineer Henry Alcantara ang pagsasauli ng salaping mula sa ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Gayunpaman, “katiting” lang sa nawaldas na pondo ng gobyerno ang isinauli ng sinibak na inhinyero sa Department of Justice (DOJ) bilang bahagi umano ng tinatawag na “restitution commitment,” na kabilang sa mga kondisyon para ikonsidera bilang “state witness.”
Sa impormasyong ibinahagi ng kagawaran, bulto-bultong pera ang ibinaba ng isang armored vehicle sa punong tanggapan ng ahensya sa lungsod ng Maynila.
Sa kabuuan, nasa P110 milyon ang ibinalik ni Alcantara na dawit sa P1.7-trilyong flood control scandal. Ang naturang halaga aniya ay paunang pera sa P300-million commitment na bahagi ng kinita sa maanomalyang flood control project sa Baliuag, Bulacan.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Witness Protection Program (WPP) si Alcantara.
Samantala, kinumpirma ni Acting Justice Sec. Fredderick Vida na provisionally admitted na sa WPP si Alcantara dahil malaki aniya ang obligasyon ng isang state witness.
Bukod kay Alcantara, nakatakda rin umanong magbalik si dating DPWH Undersecretary Bernardo ng P7-milyon — higit na maliit kumpara sa ibinalik ni Alcantara.
Paliwanag ng naturang opisyal, may freeze order na sa perang nakalagak sa bangko sa pangalan ni Bernardo. (JULIET PACOT)
