KALAKIP ng pagpasok sa gobyerno ang obligasyon magsumite ng taunang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), ayon kay Civil Service Commission Chairman (CSC) Karlo Nograles.
Paalala ni Nograles sa mga kawani ng gobyerno, tupdin ang probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution at maging yaong panuntunang nakasaad sa Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Sa ilalim ng RA 6713, lahat ng manggagawa ng gobyerno kesehodang regular o pasok sa kategorya ng temporary status, ay kinakailangang maghain ng SALN taun-taon.
Nakasaad din sa naturang batas ang pagsusumite ng SALN sa loob ng 30 araw mula sa petsa ng panunungkulan para sa mga bagong pasok sa gobyerno. Gayundin ang tagubilin ng RA 6713 sa mga tapos na ang serbisyo.
“We would like to emphasize to all government officials and employees the importance of submitting the updated declaration under oath of our assets and liabilities. As civil servants, it is our duty to complete this task truthfully to promote transparency and uphold the public’s trust in both us and the bureaucracy, pahayag ni Nograles.
Hindi naman saklaw ng SALN law ang mga mga government personnel na naglilingkod sa honorary capacity (mga taong nagtatrabaho sa gobyerno na walang service credit at walang bayad); mga empleyadong may titulo ng posisyon ng manggagawa (mga taong ang trabaho ay nakasalalay lamang sa pisikal na kapangyarihan upang magsagawa ng ordinaryong manwal na paggawa, at hindi bahagi sa mga serbisyo o trabahong nangangailangan ng mental na kasanayan o kapasidad sa negosyo, at yaong kinabibilangan ng paggamit ng mga intelektwal na kakayahan); at kaswal o pansamantalang manggagawa (mga taong tinanggap upang gumawa ng trabaho sa labas ng karaniwang operasyon ng ahensya/opisina o kapag walang sapat na regular na kawani upang matugunan ang pangangailangan ng serbisyo).
Ayon sa CSC, dapat ipakita sa SALN ang totoo, detalyado, at sinumpaang deklarasyon ng mga ari-arian, pananagutan, net worth, at mga interes sa negosyo at mga koneksyon sa pananalapi ng isang tao, kabilang ang sa kani-kanilang asawa at mga anak na wala pang asawa (edad 17 pababa) na kapisan sa bahay; at mga kamag-anak sa serbisyo ng gobyerno sa loob ng ikaapat na antas ng consanguinity o affinity.
Ang mga may asawang indibidwal na parehong nagtatrabaho sa serbisyo ng gobyerno ay maaaring magsumite ng pinag-isa o magkabukod na SALN.
Nagbabala naman ang CSC sa sinumang mabibigong maghain ng sinumpaang SALN at pagsisiwalat ng mga interes sa negosyo at mga koneksyon sa pananalapi ay sapat na dahilan para patawan ng administrative disciplinary actions, nang walang pagkiling sa mga kriminal at sibil na pananagutan gaya ng itinakda ng batas.
Sa ilalim ng Seksyon 50(D) (8), Rule 10 ng 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, ang di pagtalima sa SALN law ay may karampatang parusang suspensyon ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan para sa unang pagkakasala, at pagtanggal sa serbisyo sakaling ulitin pa ang bulilyaso.
Ang SALN form at ang mga madalas itanong sa pagsagot at pag-file ng SALN ay naka-post sa website ng CSC sa www.csc.gov.ph.
