PARA kay dating Agriculture Secretary Manny Piñol, kalaban ng mga magsasaka ang tumatayong chairman ng Committee on Agriculture sa Senado.
Katunayan aniya, wala siyang nakikitang pag-asang lumusot ang mga panukalang nagtutulak ng amyenda sa Rice Tariffication Law, hangga’t hawak ni Senador Cynthia Villar ang komiteng tumatalakay sa mga usaping agrikultura.
Maging ang panawagan para bigyan muli ng poder ang National Food Authority (NFA) pangasiwaan ang pag-angkat ng bigas, di rin aniya mangyayari dahil sa patuloy na pananabotahe ni Villar.
“I don’t think so. For as long Cynthia Villar is the chairman of the Committee on Agriculture sa Senado, hindi lulusot yan. Hindi rin lulusot ‘yung pag amyenda ng RTL,” hayagang pahayag ni Piñol sa isang panayam sa radyo kamakailan.
“’Yan ang masakit na katotohanan, na for as long as nandyan sa Senado at Kongreso yung mga personalidad na may kapangyarihan at impluwensya para pigilan yung pagbabago sa agrikultura dahil nakikinabang sila. Walang mangyayari sa agrikultura ng Pilipinas,” patutsada ng dating kalihim.
Bukod kay Villar, nagpasaring rin si Piñol sa iba pang politiko sa aniya’y nakalimutang pangakong isusulong ang pag-asenso ng mga magsasaka sa sandaling maluklok sa pwesto.
“Pinapabayaan ang bigas in the hands of the cartel, dictating the buying price of palay, and dictating the hoarding of rice its release to the market pati pricing, walang kontrol ang govt sa inspection pati sa warehouse,” aniya pa.
Taliwas aniya sa itinambol na benepisyo ng RTL na bababa ang halaga ng bigas, lalong nagmahal ang presyo nito.
“Nasaan na yung murang bigas? Nasaan na yung sinasabi nilang proteksyon sa magsasaka? At the rate ang nakikinabang yung mga importers. Tingnan nyo kung sino ang malalaking importers, you will see familiar names , these are big names involved in politics and decision makers
So bakit nila babaguhin ang isang bagay na nakikinabang sila?”
Tutol rin siya na umaasa na ang bansa sa importasyon dahil sa banta ng isang digmaan sa South China Sea.
“Kapag umasa tayo sa Thailand at Vietnam, paano kung magka-giyera sa South China Sea, saan dadaan yung mga barkong pupunta ng Pilipinas para mag-import ng bigas”” wika niya.
Isa pang ipinunto niya ay ang climate change na nararanasan sa buong mundo.
“Let’s maintain our rice sufficiency program at about 95-96%, at hindi bababa sa 95%. Pag nasa 85% nalang tayo, pag nagkaroon ng shortage ng supply ng bigas sa buong mundo, talagang mahihirapan kang makarecover.
“Right now, dahil sa El Niño, because of the threat of shortage of rice supply, medyo ginanahan yung ating mga farmers ngayon. Tumaas yung presyo. Ang posisyon ko dito ay dapat i-maintain yung sufficiency level so that comfortable tayo maski may climate change, disaster, magkaroon man ng El Niño sa Thailand o Vietnam, hindi tayo magpapanic.