PAGSAPIT ng Hulyo 18 ng kasalukuyang taon, maglalabas na ng kapasyahan ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng apela ng pamahalaan na ibasura ang imbestigasyon hinggil sa madugong giyera kontra droga sa termino ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“Judgment in the above appeal will be delivered in open court on Tuesday, 18 July 2023 at 10h00,” pahayag ng appeals chamber.
Sinuspinde ng ICC ang imbestigasyon sa drug war noong Nobyembre 2019 matapos magprisinta ang gobyerno ng Pilipinas na magsasagawa ng sariling imbestigasyon tungkol sa libo-libong binawian ng buhay sa mga operasyon kontra droga.
Gayunpaman, ‘agad na binuhay noong Enero ng kasalukuyang taon ng ICC ang pre-trial makaraan ‘makulangan’ ang pandaigdigang husgado sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).
Dito na naghain ng apela ang Pilipinas, kasabay ng giit na walang hurisdiksyon ang international tribunal sa isang bansang hindi na bahagi ng ICC.
Aminado naman si Solicitor General Menardo Guevarra na posible pa rin makasuhan ang sinuman kung may sapat na ebidensya ang mga prosecutor ng ICC kaugnay ng kabi-kabilang patayang naganap sa kainitan ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa kalakalan ng droga.
“If it is dismissed, the ICC prosecutor will be authorized to resume his investigation into the Philippine situation and he may indict certain individuals based on whatever evidence he may be able to gather,” saad ni Guevarra.
Sa opisyal na tala ng gobyerno, nasa 6,200 ang nasawi sa mga ikinasang police operations noong panahon ni dating Pangulong Duterte – malayo sa 30,000 biktimang naitala ng mga human rights groups.