PARA kay Anakalusugan partylist Rep. Ray T. Reyes, mas magiging epektibo ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga nakamamatay na bisyo kung magpapataw ang gobyerno ng dagdag-buwis sa mga iba’t-ibang bisyo – kabilang ang nauusong e-cigarettes na mas kilala sa tawag na vape.
Sa isang kalatas, hayagang sinabi ni Reyes na bukod sa makalikom ng pondo ang pamahalaan, matutugunan rin aniya ang mga pangangailangan ng mga taong may karamdaman, sa ilalim ng Universal Health Care Program.
Target ng mungkahi ni Reyes ilayo ang patuloy na dumadaming kabataan na gumagamit ng vape na ayon sa ilang pag-aaral ng dalubhasa ay posibleng magdulot ng karamdaman.
“It is very alarming that more and more Filipino youth are using vape and e-cigarettes. Increasing taxes on these products will not only raise funds for Universal Health Care but also dissuade its use especially among young people,” aniya.
Sa datos ng 2019 Global Youth Tobacco Survey (GYTS) na inilabas noong 2021, lumalabas na 14.1% ng mga kabataang pumapasok sa eskwela ang gumagamit ng vape – kung hindi man naninigarilyo.
“It is very alarming because the GYTS study also showed the Philippines topping the list of countries in Southeast Asia where teen vaping is on the rise,” dagdag pa ng kongresista.
Hindi rin aniya dapat maniwala sa paandar ng mga kumpanyang gumagawa, nagpapalaganap at nagbebenta ng vape sa merkado – “While vape products are usually branded as a safer alternative to cigarettes, they still pose many health risks.”
“Kailangang protektahan natin ang ating mga kabataan mula sa mga masamang bagay na maaaring idulot ng mga produktong ito,” diin pa ng mambabatas.
Pinag-aaralan na rin ng kanyang tanggapan ang pagtatakda ng edad ng mga taong pwede gumagamit ng vape.
“All of these are addictive and pose various health risks. Maybe it is wise to raise the minimum age of purchase for these products,” aniya pa.
Sa ilalim ng Republic Act 11900 (Vape Law of 2022) ibinaba sa 18-anyos (mula sa dating 21) ang hindi pinahihintulutan gumamit ng vape.