KUMBINSIDO ang Department of Justice (DOJ) na malakas ang mga hawak na ebidensya para makulong habambuhay ang puganteng gaming tycoon na si Atong Ang.
Partikular ni tinukoy ni DOJ Secretary Frederick Vida ang santambak na asuntong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention na kinakaharap ni Ang kaugnay ng tinaguriang “missing sabungero.”
Tiwala rin ang Kalihim na hindi papaboran ng husgado ang ‘motion to quash’ na inihain ng kampo ni Ang upang mapawalang-bisa ang warrant of arrest na inisyu ng korte.
Samantala, buo ang paniwala ni Vida na nasa loob pa rin ng Pilipinas si Ang, base sa mga impormasyong hawak ng kagawaran.
Katunayan aniya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng departament sa iba’t-ibang enforcement agencies para sa agarang pagdakip sa pinaniniwalaang mastermind sa likod ng pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 110 sabungero.
Una nang naglabas ng arrest warrant ang mga regional trial court ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City sa Batangas kung saan nakabinbin ang mga kasong kriminal laban sa gaming tycoon.
Sa kaugnay na balita, wala pa rin inilabas na mandamiento de arresto ang San Pablo RTC laban kay Ang. (JULIET PACOT)
